HInihinalang mga bayarang “hitman” ang pumaslang sa isang empleyado ng Malacañang na binistay ng bala sa harap ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Dennis Garpa, 47-anyos, may-asawa, at naninirahan sa Riverside Ext., Brgy. Commonwealth, ng naturang lungsod. Nabatid na nagtatrabaho sa Board of Liquidators sa ilalim ng Office of the President ang biktima.
Nakatayo si Garpa sa harapan ng kanyang bahay kasama ang isa niyang pinsan nang dumating ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo. Isa sa mga ito ang bumaba at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima sa ulo at katawan bago mabilis na tumakas sakay ng naturang motorsiklo.
Agad namang isinugod si Garpa ng mga kaanak sa Far Eastern University Hospital ngunit hindi na ito umabot nang buhay dahil sa tindi ng tama ng bala na tinamo nito.
Partikular na tinututukan ngayon ng mga otoridad kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pamamaslang. Inaalam ng mga imbestigador kung may transaksyon na may nakagalit ang biktima na maaaring maging daan sa pagkilala sa utak ng krimen.