Pulisya nilito sa anti-holdup device

Nauwi sa pamamaril ang demonstrasyon ng isang taxi driver sa kaniyang pasahero sa naimbento niyang “anti-holdup gadget” makaraang magdulot ito ng kalituhan sa mga nagpapatrulyang pulis ka­hapon ng madaling-araw sa Makati City.

Tinatayang hatinggabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng South bound lane ng EDSA ng nabanggit na lungsod.

 Nabatid na unang ipinag­yabang ng driver na si Jerry Casabuena ang “anti-holdup gadget” na ikinabit niya sa kanyang taxi na may plakang TYW-312.

 Bunga nito ay biglang na-activate ang nasabing gadget dahilan upang walang hum­pay na mag-flash ang ilaw ng kanyang sasakyan na agad namang nakaagaw-pansin sa mga nagpapatrulyang pulis na noon ay nasa kahabaan din ng nasabing lansangan.

 Dahil sa kalituhan at sa pag-aakalang may nangya­yaring hindi maganda sa loob ng nasabing taxi ay agad na hinabol ng mga pulis ang sa­sakyan ni Casabuena hang­gang sa paputukan na nila ito.

 Maswerte namang sa gulong lang ng taxi tumama ang mga bala dahilan upang ma­hinto ang nasabing sa­sakyan.

 Katakut-takot namang pa­liwanag at pagkumbinsi ang inabot ni Casabuena bago nito napakalma ang mga humahabol na pulis. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments