Pulisya nilito sa anti-holdup device
Nauwi sa pamamaril ang demonstrasyon ng isang taxi driver sa kaniyang pasahero sa naimbento niyang “anti-holdup gadget” makaraang magdulot ito ng kalituhan sa mga nagpapatrulyang pulis kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Tinatayang hatinggabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng South bound lane ng EDSA ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na unang ipinagyabang ng driver na si Jerry Casabuena ang “anti-holdup gadget” na ikinabit niya sa kanyang taxi na may plakang TYW-312.
Bunga nito ay biglang na-activate ang nasabing gadget dahilan upang walang humpay na mag-flash ang ilaw ng kanyang sasakyan na agad namang nakaagaw-pansin sa mga nagpapatrulyang pulis na noon ay nasa kahabaan din ng nasabing lansangan.
Dahil sa kalituhan at sa pag-aakalang may nangyayaring hindi maganda sa loob ng nasabing taxi ay agad na hinabol ng mga pulis ang sasakyan ni Casabuena hanggang sa paputukan na nila ito.
Maswerte namang sa gulong lang ng taxi tumama ang mga bala dahilan upang mahinto ang nasabing sasakyan.
Katakut-takot namang paliwanag at pagkumbinsi ang inabot ni Casabuena bago nito napakalma ang mga humahabol na pulis. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending