Matapos na magpatupad kahapon ang mga small players ng P1 rollback sa kada-kilo ng Liquified Petroleum Gas (LPG), nag-tapyas naman ngayong araw (Miyerkules) ang malalaking kompanya ng langis ng P6 sa kada-kilo o P66 sa kada-11 kg. tangke ng nasabing cooking gas.
Pasado alas-12 ng madaling-araw nang simulang magpatupad ng nasabing rollback ang Pili pinas Shell na agad namang sinundan ng Petron.
Nabatid na ang natatamasa ngayon ang patuloy na pagbaba sa presyo ng LPG ay bunga na rin ng patuloy na pagbulusok ng contract price nito sa pandaigdigang merkado.
Ang mga small players naman na kinabibilangan ng LPG Marketers Association (LPGMA) ay may kabuuang P12 naman ang nai-tapyas na ng mga ito sa kanilang itinitindang LPG simula noong Oktubre 1 ng taong kasalukuyan kung saan may limang beses na ring nag-rollbcak ang mga ito.
Sa kabila naman ng sunud-sunod na rollback sa LPG, iginiit pa rin ng Energy Secretary Angelo Reyes na kulang pa rin ito at dapat ay agad na ipatupad ng mga dealers ang isang bagsakan P132 hanggang P191 big-time rollback sa presyo ng naturang cooking gas. (Rose Tamayo-Tesoro at Edwin Balasa)