Driver naglaslas; 'killer' inunahan
Pinaniniwalaang ‘hallucination’ lamang ang nagtulak sa isang 36-anyos na pedicab driver na maglaslas ng sariling leeg upang maunahan lamang ang sinasabi niyang papatay sa kaniya sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Alex Gumambao, may-asawa, ng #514 Asuncion St., Binondo.
Sa ulat ni P/Supt Nelson Yabut, hepe ng Manila Police District-Station 11, dakong alas-11:45 ng gabi nang tinangka ng biktima na magpakamatay sa kanto ng San Fernando at Asuncion Sts., Binondo.
Bago ang insidente, sinasabi umano ng biktima sa mga kasamahan niyang pedicab driver na gusto na niyang tapusin ang kaniyang buhay upang takasan ang problema sa pamilya.
Dagdag pa rito, may nagtatangka umano sa kaniyang buhay na tinitiyempuhan siya sa paradahan ng pedicab subalit wala umanong binabanggit kung sino. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending