Crime prone areas sa MM tutukan ng NCRPO
Tututukan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga tinaguriang crime prone areas sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni NCRPO Chief Director Jefferson Soriano upang matugunan ang lumalalang kriminalidad sa ilalim ng kanyang hurisdiksyon.
Kasabay nito, ayon kay Soriano, inatasan na niya ang mga district directors sa Metro Manila na tukuyin ang mga ‘crime prone areas’ sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Kabilang sa mga itinuturing na crime prone areas ay ang Novaliches, Aurora Blvd., Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, E. Rodriguez Avenue; pawang sa Quezon City; ng Recto, Quiapo, Tondo, Taft Avenue, Divisoria at iba pang lugar sa lungsod ng Maynila; Alabang-Zapote Road sa Las Piñas; Libertad sa Pasay City; Boni Avenue sa Mandaluyong City; Guadalupe at Pasong Tamo sa Makati City; sa kahabaan ng Monumento sa Caloocan City atbp.
Sinabi ni Soriano na inaasahan niyang bababa ang kriminalidad kung sa mga lugar na kilalang pinagtatambayan ng masasamang-loob magsasagawa ng pinalakas na police visibility ang NCRPO operatives.
Ipinagmalaki pa ni Soriano na bumaba na ang insidente ng ‘motorcycle riding in tandem’ na modus operandi ng mga kriminal sa Metro Manila matapos ang puspusan ng NCRPO kaya’t sa pagtutok naman sa mga’ crime prone areas’ ang kanilang ipaprayoridad. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending