5 NBI agents kinasuhan ng ginulping parak
Nagsampa na ng mga kasong kriminal ang isang kagawad ng Manila Police District (MPD) laban sa limang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nambugbog sa kanya noong Oktubre 29, sa Tondo, Maynila.
Inihain ang mga kasong frustrated murder at grave threats sa Manila Prosecutor’s Office laban kay Atty. Elizardo Beltran ng NBI-Internal Affairs Division (IAD) at apat pang ahente na nakatalaga sa NBI Anti-Graft Division (AGD) bunga ng pambubugbog kay PO3 Rodolfo Pascual Arellano, 46, nakatalaga sa MPD-Police Community Precinct (PCP)-Plaza Miranda ng Station 3.
Nabatid na ayaw pang ibunyag ni NBI spokesman Atty. Allan Contado ang pangalan ng apat na NBI agents habang isinasagawa pa nila ang sariling imbestigasyon.
Sa bersiyon ni Arellano, dakong alas- 12:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Juan Luna at Yuseco Sts., Tondo kaugnay sa umano’y pag-cut ng asul na Pajero ni Beltran sa motorsiklong minamaneho ng una.
Nabatid na una na umanong nagitgit ang Pajero ng motorsiklo hanggang sa magkasitahan at tawagan ni Beltran ang mga kasamahang ahente ng NBI.
Binugbog at sapilitang isinakay sa Pajero ang pulis at dinala sa NBI headquarters ang huli. Magang-magang ang mukha ng pulis matapos ang ginawang pambubugbog sa kanya. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending