SWAT uniform bawal na
Ipinagbawal na ng pamunuan ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagsusuot ng SWAT uniform.
Ang kautusan ay sasaklaw sa mga pulis at ultimong miyembro ng SWAT team, security guards, tanod at mga sibilyang nahuhumaling sa Airsoft wargames at sa sinumang indibidwal. Bibirahin ng NCRPO ang sinumang indibidwal na mahuhuling magsusuot ng uniporme ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team sa Metro Manila. Ayon kay NCRPO Chief Director Jefferson Soriano, ginawa niya ang nasabing direktiba dahil sa ginagamit ito ng mga elementong kriminal.
“Ang directives ko sa ating NCRPO operatives, effective today, bawal ang magsuot ng SWAT uniform, ang susuway na indibidwal, birahin nila,” ani Soriano sa ginanap na Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa Camp Crame kahapon kaugnay ng misyong lansagin ang notoryus na sindikato ng robbery/holdup gang na gumagamit ng SWAT uniform. Nilinaw naman ni Soriano na ang ibig niyang ipakahulugan sa birahin ay arestuhin at ’di shoot-to-kill pero kung pumalag gaya ng pagbunot ng armas gayundin ang magpapaputok laban sa mga awtoridad ay barilin na.
Ang direktiba ay ipinalabas dahil sa talamak na robbery/hold-up sa Metro Manila kung saan ang mga suspect ay nagpapanggap na mga alagad ng batas at pawang nakasuot ng uniporme ng SWAT team. Ayon pa kay Soriano, ang blue uniform na opisyal na kasuotan ng PNP ang maaaring isuot ng SWAT men kahit pa may operasyon ang mga ito. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending