3 Customs examiner sinibak dahil sa t-shirts
Sinibak sa pwesto ang tatlong examiner ng Bureau of Customs (BOC) na nakatalaga sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunga ng pang-uumit ng t-shirts sa bagahe ng pasahero.
Kinilala ni Customs Commissioner Napoleon Morales ang mga sinibak na sina Samuel Saed, Omar Indol at Cecilia Venzon, na kasalukuyang inilipat sa administration office habang iniimbestigahan pa ang kanilang kaso.
Tiniyak ni Morales na haharap sa kaukulang kaso ang tatlo sa oras na lumabas sa imbestigasyong sila ay nagkasala, bagamat nangako rin ito na idadaan sa due process ang lahat.
Nauna rito, inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Morales na paimbestigahan ang reklamo ng isang Joseph Koy, isang Fil-Am stand-up comedian na nagmula sa Amerika, na nabiktima ng pagnanakaw ng umano’y mga tiwaling Customs personnel sa NAIA at magsumite ng ulat hinggil sa imbestigasyon.
Natukoy sa imbestigasyon na si Ondol ang kumuha ng t-shirts sa bagahe ng biktima at ipinasa pa sa mga kasamahan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending