Binata nangulila sa nobya, nagbaril sa ulo

Isang 20-anyos na binata ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sentido matapos dibdibin ang pagkakagalit nila ng kanyang kasintahan, kama­kalawa ng gabi sa Muntinlupa City. Namatay noon din mismong sa pinangyarihan ng insidente bunga ng tama ng bala ng baril sa kanang sentido na tumagos sa kanyang bungo ang biktimang si Ronald Iglesias, stay-in helper ng Balimbing Drive, Brgy. Alabang ng nabanggit na lungsod. Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi unang nag-inuman ang biktima at kaibigan nito na kinilalang si Alfie Sarmiento, 20, sa likuran ng isang bahay sa, Punta Baluarte, Poblacion, Muntinlupa City. Sa gitna ng inuman, naihinga ng biktima sa kaibigan ang labis na pangungulila at pagdaramdam sa naganap na pagkakagalit nila ng girlfriend na itinago sa pangalang “Assunta” kung saan pinayuhan naman umano ito ni Sar­miento na huwag masyadong isipin at darating ang oras na magkakasundo rin sila. Inakala naman ni Sar­miento na napagaan na niya ang kalooban ng kaibigan, subalit nagulat na lamang ito nang mag­labas ng baril ang biktima at bumanggit ng mga katagang ‘Mahal ko, Paalam, hindi ko kayang mabuhay na wala ka sa piling ko” at mabilis na kinalabit ang gatilyo ng baril na naging sanhi ng kamatayan nito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments