18-anyos pumatay dahil sa nanay

Sinaksak at napatay ng isang 18-anyos na estud­yante ang kanyang kapitbahay matapos marinig ng una ang ginawang pagmumura ng huli sa kanyang ina, kama­kalawa ng hapon sa Las Piñas City. Hindi na umabot pa ng buhay sa Las Piñas Medical Center ang biktimang si Mabini Fortaliza, 48, ng Abelardo Compound, Almanza Uno ng nabanggit na lungsod bunga ng tinamong saksak sa likod. Mabilis namang tumakas ang suspect na si Juan­chon Llanza, bitbit ang ginamit na patalim laban sa biktima. Ayon sa isinagawang imbestigasyon, unang nag-init umano ang ulo ng ina ng suspect na si Miriam Llanza, 53, nang makitang maraming kalat sa harapan ng kanilang bahay dakong alas-3:30 ng hapon. Agad na pinagbintangan umano ng ginang si Fortaliza na may kagagawan ng maraming kalat kung kaya’t kinumpronta niya ang huli at pinagsalitaan ng hindi maganda. Bunga nito ay napikon umano si Fortaliza dahil sa maling akusasyon kung kaya’t pinagmumura niya ang matanda na narinig naman ng suspect na noon ay nag­pa­pahinga na sa loob ng kanyang silid. Ilang sandali pa ay lumabas ang suspect na armado na ng patalim at palihim na nila­pitan ang nakatalikod na biktima at inundayan kaagad ng saksak sa likod na naging sanhi upang agaran itong masawi. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments