Pulis patay sa ex-convict
Patay ang isa sa pinakamahusay na imbestigador at detective ng Pasay City Police makaraang barilin ito sa dibdib ng isang ex-convict dahil lamang umano sa “dumi” ng bata, awayan ng misis nito at live-in-partner ng huli hanggang sa mauwi sa resbakan, ka makalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Ang biktimang si Police Officer 3 Reynaldo “Boyet” Aguba, nakatalaga sa Station Investigation & Detective Management Section (SIDMS) ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital bunga ng isang tama ng bala sa dibdib.
Ang suspect naman na kinilalang si Lito Tagalog, alyas “Undo”, 31, jeepney barker, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang ay agad na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Allan Valdez, may hawak ng kaso, dakong alas-10:45 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa harap ng bahay ng biktima sa #2829 Pilapil St., Pasay City.
Nabatid sa imbestigasyon na tatlong buwan na ang nakalilipas nang magkaroon ng unang alitan ang asawa ng biktima na si Nonet Aguba at kinakasama ng suspect na si Kristine Serrano, 26.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumumi ang anak ng suspect sa gilid ng karinderya na pag-aari ng asawa ng pulis na ikinagalit ng misis ng huli.
Bunga nito kinumpronta umano ni Gng. Aguba ang live-in partner ng suspect, na rito na nagkaroon ng mainitang away ang dalawang babae. Ang nasabing alitan naman ng dalawa ay kapwa nakarating sa biktima at suspect.
Dahil sa insidenteng ito, kapwa naging mailap sa isa’t isa ang pulis at suspect at kamakalawa ng gabi, habang kasama ng una ang kanyang manugang na lalaki, biglang dumating ang huli na armado ng baril at pinaputukan sa dibdib nang malapitan ang biktima.
Nabatid naman sa rekord ng pulisya na ang suspect ay may isang taong napiit sa Manila City Jail sa kasong robbery at ngayon ay kasalukuyang barker sa paradahan ng sasakyan sa Rotonda/Taft Ave., na bumibiyahe ng FTI Bicutan.
- Latest
- Trending