15 pasahero sugatan: 1 na namang bus sangkot sa aksidente
Labinlimang pasahero ng isang bus ang sugatan makaraang sumalpok sa isang konkretong poste sa EDSA-Cubao, Quezon City ang naturang sasakyan kamakalawa ng gabi matapos na gitgitin umano ng isa pang pampasaherong bus.
Ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center ang mga sugatang pasahero ng Nicholas Albert Bus kabilang na ang buntis na si Joan Peñaranda na tumama ang tiyan sa bakal dahil sa lakas ng pagkakabangga. Nakatakdang isailalim sa ultrasound upang matiyak na nasa maayos na kundisyon pa ang sanggol.
Kapwa isinasailalim naman ngayon sa imbestigasyon ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit ang mga driver na sina Arnold Mariano ng Nicholas Albert bus na may biyaheng Navotas-Pasay at Diosdado Cadillas, driver naman ng Renan Transit Bus na patungo naman sa Fairview.
Ayon kay Mariano, binabagtas niya ang northbound ng EDSA nang sumapit sa may Cubao ay bigla umanong nag-cut ang bus ng Renan transit sanhi upang iwasan niya ito at sumalpok sa poste ng MRT (Metro Rail Transit). Itinanggi naman ni Cadillas na nakikipag-unahan siya kay Mariano dahil sa magkaiba naman ang biyahe nila. Inireklamo naman ng mga ilang pasahero na sobrang bilis umanong magpatakbo ng Nicholas Albert na bus na sinasakyan nila at pabigla-bigla ang pagharurot kaya naganap ang aksidente.
Sa gitna ng imbestigasyon, dito nadiskubre na gamit pala ng Nicholas Albert ang tiket ng suspendidong Joanna Jesh transit na una nang nasangkot sa aksidente sa EDSA-Santolan na ikinasawi ng isang prominenteng doktor. Inamin naman ng inspector ng Nicholas Albert na ginagamit nga nila ang naturang mga tiket dahil sa akala nila ay hindi naman ito bawal.
Binayaran naman ng pamunuan ng Nicholas Albert ang gastusin sa pagpapagamot sa mga pasahero ngunit ilan sa mga ito ay desidido na magsampa ng kaso laban sa naturang bus company. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending