LRT station sa Bagong Barrio, malabo
Nanindigan kahapon si Light Railway Transit Authority (LRTA) Administrator Melquiades Robles na hindi sila makapaglalagay ng istasyon ng train sa Bagong Barrio ng Caloocan City dahil malaki ang malulugi sa kanila kapag tinugunan ang hinaing ng mga residente sa naturang lugar.
Ayon kay Robles, lumabas sa kanilang pag-aaral na higit na malaki ang bulto ng mga pasahero sa Balintawak kumpara sa mga sumasakay sa Bagong Barrio kung kaya’t sa naturang lugar nila ilalagay ang isa sa tatlong train stations na mag-uugnay sa biyahe ng LRT at MRT. Bukod sa Balintawak station, nakatakda ring maglagay ng istasyon ang LRTA sa Roosevelt at isa sa North EDSA sa Trinoma na magsisilbi sa libu-libong pasahero. Sinabi ni Robles na umaabot sa P800 milyon ang ginagastos nila sa pagpapatayo ng bawat isang train stations kung kaya’t pinag-aaralan muna nilang mabuti ang bilang ng mga mananakay sa isang lugar na tatayuan nila ng istasyon upang matiyak na hindi sila malulugi. Batay aniya sa kanilang isinagawang pag-aaral, aabot sa P200 milyon ang malulugi sa kanila kapag isinulong pa ang pagtatayo ng isa pang train stations sa Bagong Barrio.
Sa kabila nito, inihayag ni Robles na kung gagastusan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Caloocan ang pagpapatayo ng train station sa naturang lugar, maaari pa nila itong i-kunsidera upang mapagsilbihan din ang mga taga-Bagong Barrio.
Magugunita na sinimulan na ng LRTA ang konstruksiyon ng limang kilometrong extension ng LRT line 1 na mag-uugnay sa MRT sa North Avenue, EDSA makaraang mabigyan ng permiso ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending