2 bebot hanap sa pinatay na Hapones
Hinahanap ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Division ang dalawang babae na sinasabing huling kausap ng na paslang na Japanese national sa kanyang inookupahang hotel, sa Ermita, Maynila, noong Linggo ng hapon.
Sinabi ni Chief Insp. Alberto Peco, homicide chief, na ang dalawang babae na namataang kausap ng biktimang si Inque Yoshihisa, 62, tubong-Gumma, Japan na natagpuang hubo’t-hubad at tadtad ng saksak sa Room 509 ng Manor Hotel, na nasa J. Bacobo St., Ermita, Manila ang kanila ngayong pakay upang imbestigahan.
Hindi pa umano maituturing na mga suspect ang dalawa subalit malaki umano ang maitutulong ng mga ito sa imbestigasyon.
Hindi pa rin matukoy kung pinagnakawan ang nasabing dayuhan na sinasabing nagkalat ang lahat ng mga kagamitan nito sa silid nang matuklasang duguan at wala nang buhay dakong alas-3:30 ng hapon, sa loob ng comfort room ng Manor Hotel.
Sa imbestigasyon, huling nakitang lumabas ng silid ang biktima, dakong alas-11 ng gabi noong Sabado upang bumili ng makakain sa isang mini store at pagbalik nito ay nagpalit ito ng kuwarto kaya napunta sa Room 509 at simula noon ay hindi na ito lumabas ng kuwarto.
Isang putol na kutsilyo na hinihinalang ginamit sa pagpatay ang nakuha sa crime scene at 2,000 sa bulsa ng pantalon ng biktima. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending