Isang 28-anyos na binata ang natulad sa kanyang alaga nang pagtulungan itong gulpihin, hatawin ng tubo at pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng mag-aama matapos magtalo nang lapain ng alagang pitbull ng mga suspek ang asong kalye naman na alaga ng una, kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Patay na nang idating sa Valenzuela General Hospital ang biktimang si Marlon Pamplona, taga-Sabino Compound, Maysan ng lungsod na ito.
Sumuko sa mga pulis si Lopito Osia, 52, habang nadakip naman ang mga anak nito na itinago sa mga pangalang John, 17; Peter 16; Paul, 13; at nakatakas naman ang kanilang panganay na si Toto, 18, pawang mga kapitbahay ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-12 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.
Nabatid na kinompronta ng biktima ang mga suspek makaraang lapain ng pitbull na aso ng mag-aama ang alaga naman niyang asong kalye.
Nagkainitan ang biktima at ang mag-aamang Osias at dito na pinagtulungang gulpihin ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mag-aama liban sa panganay na si Toto.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Lordeth Bonilla)