Lalong tumitibay ang anggulo ng inside job sa naganap na nakawan sa bahay ng TV host na si Willie Revillame.
Ito ang lumalabas sa pagpapatuloy ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa pagkawala ng may P3 milyong halaga ng mga alahas ng nasabing TV host.
Nakatutok ngayon ang imbestigasyon ng QCPD sa isang umano’y ‘malapit’ kay Revillame. Kahapon naman ay tuluyan nang pinauwi ng mga awtoridad ang dalawang kasambahay ni Revillame at ngayon ay sa isang tao na malapit sa TV host nakatutok ang imbestigasyon.
Sinabi sa PSN ni QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit deputy chief, Supt. Marcelino Pedrozo na pinauwi na nila sina Edna Pasague, 34, ng Marilao, Bulacan; Andresa Wenceslao, 38, at kinakasama nitong si Danny Pacampang, kapwa residente ng Loreto St., Sampaloc, Maynila.
Ito’y matapos makunan ng pahayag ang mga ito na lumalabas na wala talagang kinalaman sa naganap na nakawan.
Kasalukuyan ngayong tumututok ang QCPD-Theft and Robbery Section sa isang tao na kilalang malapit umano kay Revillame na posibleng may alam sa krimen. Tumanggi muna si Pedrozo na ilabas sa pahayagan ang pangalan ng hinihinala nilang suspek upang hindi masunog ang ginagawa nilang imbestigasyon.
Matatandaan na natuklasan kamakalawa ng madaling-araw ni Revillame ang pagkawala ng may 17 niyang koleksyon ng mamaha ling relo sa kanyang kuwarto sa kanyang bahay sa exclusive subdivision sa Corinthian Hills, Brgy. Ugong Norte, Quezon City. Nagtataka ito kung paano nalaman ng suspek ang kinalalagyan ng kanyang mga duplicate na susi ng kanyang aparador kaya hinihinala na nagkaroon ng inside job sa krimen.