Nagpalabas kahapon ng P500,000 reward ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa gumagalang mga robbery/holdup gang na nagpapanggap na mga awtoridad at sumasalakay sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ito’y matapos na maalarma ang NCRPO sa gumagalang robbery/holdup gang sa Metro Manila na sinisira ang imahe ng mga law enforcement agencies partikular na ang mga pulis kung saan karaniwan na rin ng mga itong pinapaslang ang kanilang mga biktima kundi man sinasaktan.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Jefferson Soriano na sa pamamagitan ng pagpapalabas ng nasabing reward ay mapapabilis ang paglansag at pag-aresto sa naturang armadong grupo.
Ayon kay Soriano karaniwan nang nakasuot ng uniporme ng mga pulis at militar, ang nasabing mga sindikato.
Nabatid na pinulong ni Soriano kahapon sa ginanap na command conference sa tanggapan ng NCRPO ang mga District Directors sa Metro Manila gayundin ang mga intelligence officers na kumatawan naman Police Anti Crime Emergency Response (PACER) at mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang bigyang proteksyon ang publiko laban sa naturang notoryus na robbery/holdup gang.
Pinaalalahanan rin ni Soriano ang mga alagad ng batas na isagawa ang kaukulang pag-iingat sa operasyon laban sa naturang sindikato dahilan mapanganib at armado ang naturang grupo.
Tiwala ang NCRPO na sa pagpapalabas ng reward ay marami sa publiko ang magbibigay ng tip sa mga awtoridad para sa ikasusugpo ng nasabing sindikato. (Joy Cantos)