Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng isang buwan ang franchise ng Fermina bus na nakapatay ng 6 katao at nakasugat sa 56 iba pa sa isang trahedya sa Pampanga noong nakaraang Sabado.
Sinabi ni LTFRB chairman Thompson Lantion na ang naturang suspension ay para sa lahat ng 10 units ng Fermina Express line na may rutang Alabang, Tarlac at Dau sa Pampanga.
“The suspension will take effect while the investigation is ongoing,” pahayag ni Lantion.
Una rito, inirekomenda ng LTFRB Central Luzon office kay Lantion ang cease-and-desist order laban sa Fermina bus company na pagmamay-ari ni IMBOA Vice President Juliet de Jesus batay sa inisyal na report ng Philippine National Police hinggil sa naganap na aksidente.
Si de Jesus din ang may ari ng Armtrak Inc , ang isa sa mga bus na nakipag karerahan sa 2 pang bus sa Edsa sa may Kampo Aguinaldo na dito namatay ang isang doktor habang sakay ng kanyang Mercedes benz.
Sinasabing naganap ang aksidente nang mag-overtake ang Fermina bus sa isa pang sasakyan kayat nabangga nito ang sasakyang Revo sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Pampanga. (Angie dela Cruz)