Willie Revillame nilooban: P3-M tangay
Nabiktima ng mga hinihinalang “Akyat-Bahay Gang” ang host ng pang-tanghaling programa sa telebisyon na “Wowowee” na si Willie Revillame matapos na matangay ang aabot sa P3 milyong halaga ng mga alahas sa kanyang bahay sa loob ng isang exclusive sub division sa Quezon City.
Natuklasan lamang ni Revillame ang naganap na nakawan dakong alas-4 ng madaling-araw sa pagbalik nito sa kanyang bahay sa Cameron Road, Corinthian Hills, Brgy. Ugong Norte matapos magbakasyon sa Subic, Pampanga.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Police District-Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa naturang lugar kung saan nangangalap na ng ebidensya tulad ng finger prints sa kabahayan. Dismayado naman si Revillame matapos na linisin na ng kanyang katulong ang bakas ng paa na nakita nito sa kuwarto ng tv host nang una itong bumalik sa bahay nitong nakaraang Linggo.
Ayon kay Revillame, umalis siya ng bahay nitong hapon ng Nobyembre 1 at iniwan ang isang katulong na si Andresa Wenceslao.
Natunton si Wenceslao dakog alas-3 ng hapon at kasamang pinigil ng pulisya ang kanyang boyfriend na si Danny Pacampang. Itinanggi naman ng mga ito na may kinalaman sila sa naganap na nakawan.
Pinasok ng mga magnanakaw ang bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa banyo sa likuran ng bahay at pagsira sa bintana nito.
Umaabot sa 15 hanggang 17 mamahaling relo na koleksyon ni Revillame ang natangay ng mga suspek. Nagtataka rin ito kung paano nalaman ng mga magnanakaw ang kinalalagyan ng susi ng kanyang aparador at ang kumbinasyon ng kanyang padlock.
Galit naman si Revillame sa seguridad ng naturang subdibisyon dahil sa napakamahal na ibinabayad nila na monthly dues para sa bayad sa security guards at napakamahal na in vestment sa bahay na aabot sa halagang P55 milyon. Hindi na umano niya ito pinalagyan ng grill ang mga bintana dahil sa pagiging kampante sa seguridad ng de-kalidad na subdibisyon.
Kasalukuyan namang pinoproseso ng pulisya ang nakuha nilang finger prints sa bahay habang nakatakdang ipatawag ang opisyales ng agency para alamin kung nasasala nilang mabuti ang kanilang mga inirerekomenda.
- Latest
- Trending