Iginiit ni dating Philippine Trial Lawyers Association President at Integrated Bar of the Philippines Governor Atty. Jose Icaonapo Jr., ang pagbabawal sa mga pulitiko na maglagay ng kanilang mga pangalan sa mga billboard ng government projects.
Ayon kay Icaonapo, nagsisilbing panganib sa mga motorista ang naglalakihang mga billboard ng mga government projects kung saan nakalagay din ang pangalan ng mga pulitiko.
Aniya, sa Metro Manila, karamihan sa mga government projects kung saan nakalagay din ang mga pangalan ng mga pulitiko ay nakasabit sa mga poste ng kuryente na may dalang panganib sa mga pedestrian at motorista.
Maging sa panahon ng tag-ulan, nananatili ang panganib ng mga billboard dahil maaari itong bumagsak sa mga kabahayan kung saan kadalasang may nagbubuwis ng buhay.
Nakakatawa din umanong isipin na mas malaki pa ang halaga ng billboard kumpara sa proyekto na kadalasang hindi naman napakikinabangan ng mas nakararami.
Nililito din ng mga billboard ang publiko dahil ipinakikita nito na ang government projects ay mula sa kanilang mga sariling pondo na wala naman umanong sapat na katotohanan. Ang mga government projects ay mula din sa pondo ng pamahalaan. (Doris Franche)