Matapos ang “big-time” rollback sa presyo ng produktong petrolyo ay asahan ang isa na namang maagang Pamasko sa taumbayan matapos na ianunsyo kahapon ng Department of Energy na bababa ng hanggang P150 kada 11 kilogram ang presyo ng liquefied petroleum gas.
Sa panayam kahapon kay Energy Undersecretary Zenaida Monsada, sinabi nito na sa laki ng ibababa ng contract price ng LPG sa pandaigdigang pamilihan ay umaabot ang komputasyon ng DOE na maaaring magbaba ng mula P100 hanggang P150 ang presyo ng 11 kg. na tangke ng cooking gas.
Dagdag pa nito na bagamat malaki ang ibinaba ng contract price nito sa world market ay hindi kaagad ito magre-reflect sa kasalukuyang presyo at gagawin ang rollback ng biglaan.
“Yung experience natin, ini-spread nila sa adjustment in one month. Huwag natin asahan na unang araw pa lang ng November mag-reflect agad ang presyo. Sa LPG di gaano kalaki ang inventory nila, di yan aabot, mga one month maximum,” saad ni Monsada.
Sa datos ng DOE, umaabot na lang sa $804 kada metriko tonelada ang presyo nito sa ngayon mula sa pinakamataas na $936.50 kada metriko tonelada noong buwan ng Hulyo.
Samantala nauna ng nagpahayag kahapon ang Liquigas na magbababa sila ng P3 kada kilo o P33 sa 11 kg. na tangke sa kanilang tindang LPG.
Inaasahan namang sa Lunes ay ang grupong LPG Marketers Association ang magsasagawa ng kanilang rollback subalit hindi pa nila inaanunsyo kung magkano ang kanilang ibababa sa kanilang tindang cooking gas. Ang LPGMA ang dealer ng Pinnacle, Sula, Cat, Omni, Nation at Island Gas.
Sa ngayon ay naglalaro ang presyo ng 11 kg na tangke ng LPG mula P588 hanggang P647.
Samantala, may tatlong linggo pa umano bago magkakaroon ng rollback sa presyo ng tinapay.
Ang nasabing pahayag ng mga panadero ay matapos i-anunsiyo ng mga flour millers na P940 na lamang ang kada-sako ng harina.
Ayon kay Simplicio Umali Jr., presidente ng Philippine Baking Industry Group, nakabili na sila ng stock ng harina bago pa man ang nasabing anunsiyo kung saan magagamit lamang umano nila ang “discounted flour” sa loob ng tatlong linggo.
Sa nasabing rollback sa presyo ng harina, singkuwenta sentimos ang ibababa sa kada-piraso umano ng loaf bread at 25 centavos naman sa pandesal.
Sinabi rin ni Umali na hihintayin muna nilang madagdagan ang rollback bago ipatupad ang pagbawas sa presyo ng tinapay para mas maramdaman ito ng mga consumers. (Edwin Balasa at Rose Tamayo-Tesoro)