Pinasok ng mahigit pitong lalaki ang malaking tindahan ng mga home supply sa Balinatawak, Quezon City ngunit bigo ang mga ito na makatangay ng malaking halaga matapos na hindi mabuksan ang kaha-de-yero nito, kahapon ng madaling-araw. Nabatid na bago mag-alas-4 ng madaling-araw nang sumalakay ang mga suspek sakay ng isang AUV van at isang L-300 van na kapwa hindi naplakahan sa Wilcon Builders Depot sa tabi ng EDSA-Balintawak.
Agad na dinisarmahan ng mga suspek na nakasuot ng uniporme ng SWAT (Special Weapons and Tactics unit) ang mga naabutang security guard. Nabatid na armado ang mga salarin ng mga M-16 rifle at M-203 grenade launcher at nagpakilala pang mga pulis. Bigo naman ang mga suspek na matangay ang salapi ng establisimiyento matapos na hindi mabuksan ang kaha-de-yero nito. Nagkasya na lamang ang mga suspek sa pagtangay sa dalawang shotgun, isang kalibre .38 baril at apat na handheld radio ng mga security guards bago mabilis na tumakas.
Inaalam naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang kaugnayan ng mga suspek sa pagsalakay rin ng 7-10 suspek na nakasuot ng military uniform sa St. Scholastica College sa Malate, Maynila kahapon rin ng madaling-araw. Bigo rin naman ang mga suspek na matangay ang pera na laman ng kaha ng paaralan matapos na rumesponde ang mga pulis makaraang magsumbong ng isang concerned citizen. (Danilo Garcia)