300 kilo ng double dead meat nasamsam
Tinatayang mahigit sa 300-kilo ng double dead na karne ng baboy ang nakumpiska ng mga tauhan ng Office ot the City Veterinarian (OCV) mula sa isang illegal na slaughter house kahapon ng madaling-araw sa Pasay City. Halos malapit kay Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad ang naturang illegal na slaughter house na pag-aari ng isang Ricky Mendoza na matatagpuan sa Villanueva St.
Dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang salakayin ang naturang slaughter house matapos na makatanggap ng ulat na hindi umano idinadaan sa pagsusuri ang mga baboy na kinakatay dito.
Napag-alaman na maraming mga meat vendors sa Pasay Public Market ang direktang kumukuha ng kanilang panindang karne ng baboy sa naturang illegal na katayan dahil mas mura ang halaga rito dahil nga hindi dumadaan sa inspeksiyon.
Nakatakas naman si Mendoza at ang kanyang asawa nang dumaan ang mga ito sa bubong ng kanilang bahay habang nagsasagawa nang pagsalakay ang mga awtoridad.
Dinala naman sa crocodile farm sa CCP Complex ang mga nakumpiskang karne ng baboy upang ipakain sa mga buwaya. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending