Ex-vice Mayor sa Saranggani tinodas sa Tondo
Namatay ang dating Vice Mayor ng Maitum, Saranggani Province matapos tambangan ng dalawang lalaki kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Felix Reganit, 54, bunga ng tinamong tat long tama ng bala sa katawan mula sa kalibre .45 baril ng mga suspect.
Bagamat may itinuturong mga suspect, pansamantalang hindi muna ibinunyag ang pagkilanlan ng mga ito habang isinasagawa ang imbestigasyon. Sinisilip ang anggulong may kinalaman sa negosyo.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa compound ng Luz Ice Plant Storage sa H. Lopez Boulevard, Balut, Tondo. Sinabi ng maybahay ng biktima na kinilalang si Eloisa Reganit, nagpaalam sa kanya ang asawa dahil may kakausapin lamang umano ito sa nasabing lugar.
Sa panig naman ng security guard ng naturang ice plant na si Alfredo Sanchez Jr., nakita niya na lamang na nakabulagta ang biktima at duguan.
Sinabi ng imbestigador na kakilala ng biktima ang dalawang suspect at posibleng ang kausap nito na karibal sa negosyo.
Nabatid na nagnenegosyo ng mga tuyo at daing ang biktima na hinahango sa Maynila patungo sa Saranggani. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending