Kalaboso ang binagsakan ng isang driver at konduktor ng pampasaherong dyip makaraang holdapin umano ng mga ito ang kanilang mga pasahero kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Kinilala ang mga suspek na sina Mark Joseph Morada 21, konduktor; at drayber na si Luisito Ramos, 39.
Ayon sa ulat, naaresto ang mga suspek dakong alas-8:30 ng gabi ng magpahayag ng holdap ang mga ito sa kahabaan ng Santos St. Brgy. Concepcion Uno ng nasabing lungsod. Nabatid sa mga biktimang pasahero habang dumadaan sila sa madilim na lugar ay naglabas ng jungle bolo ang konduktor na si Morada at nagpahayag ng holdap na kanilang ikinagulat.
Subalit isa sa mga ito ay nakatalon at mabilis na nakapagsumbong sa nagpapatrol na pulisya dahilan upang rumisponde ang mga ito na ikinaaresto ng mga suspek.Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang mga gamit at pitaka ng mga biktima ng makorner ng pulisya.
Kasong robbery-holdap ang kinakaharap ng mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Marikina detention cell. (Edwin Balasa)