Nahaharap sa kasong large scale estafa ang isang illegal recruiter makaraang mabigong tuparin nito ang pangako sa kanyang mga kliyente na makapag trabaho sa ibayong-dagat kapalit ang malaking halaga ng salapi. Halos hindi maawat sa galit ang 18-biktima nang masakote sa loob mismo ng Pasay City Hall ang suspect na kinilalang si Marites Cabbab, 35, negosyante, may-ari ng Irrasha Image Travel Consultancy Services na nasa 10 F.B. Harrison Mansion Condominium, Pasay City.
Ayon sa reklamo ng mga biktima, una umano silang inalok ng suspect para magtrabaho bilang waiter at waitress sa isang malaking hotel sa Macau, China. Hiningan umano sila ng suspect ng P30,000-P60,000 kada aplikante para sa processing fee, plane ticket at iba pang gastusin sa pagpalakad ng mga dokumento. Dahil sa kagustuhang makapagtrabaho sa ibayong-dagat, hindi na nag-verify pa sa POEA ang mga biktima upang alamin kung legal ang ahensya ng suspect kung kaya’t nagbigay ang mga ito ng malaking halaga sa huli. Nitong nakaraang October 27, 2008, muling nangako umano ang suspect na ibibigay na sa mga biktima ang plane ticket pero hindi na ito nagpakita pa hanggang sa matiyempuhan ito kahapon at maaresto. (Rose Tamayo-Tesoro)