Exodus ng mga tao sa Undas umariba na
Nagsimula nang umariba kahapon sa mga terminal sa Metro Manila ang exodus ng mga tao na nagtutungo sa mga probinsiya kaugnay ng paggunita sa Undas sa Nobyembre 1 at 2.
Bunga nito ay pinaigting ng PNP ang police visibility sa mga pampublikong lugar, partikular na sa mga terminal ng bus, daungan, paliparan, MRT at LRT stations.
Kahapon ay pinangunahan mismo ni PNP Chief Director Jesus Verzosa ang pag-iinspeksyon sa daungan sa lungsod ng Maynila habang si NCRPO chief Director Jefferson Soriano ay sa mga terminal ng bus sa Kamaynilaan.
Inatasan din ni Verzosa ang mga hepe ng pulisya na palakasin ang police visibility upang masupil ang mga masasamang elemento na mambiktima ng mga taong magtutungo sa sementeryo.
Kabilang naman sa ininspeksyon ni Soriano ay ang Central Terminal sa lungsod ng Maynila kung saan ay namahagi ito ng mga pamphlets sa mga commuters para makaiwas sa mga masasamang elemento sa kanilang pagbiyahe.
Sa nasabing paglilibot nina Verzosa at Soriano ay kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga pasahero na inaasahang higit pang darami mula ngayong araw. Ang PNP ay nagpatupad ng full alert status habang nag-umpisa na ring mag-deploy ng karagdagang mga pulis, partikular na sa mga malalaking sementeryo sa Kamaynilaan. Nabatid na kabuuang 3,500 pulis ang ipakakalat ng NCRPO sa may 74 sementeryo sa Metro Manila. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending