Gamit ang isang ‘malong’ nagbigti ang isang 24-anyos na waitress sa loob ng kanyang inuupahang silid bunga ng pakikipagkalas ng kanyang boyfriend na may-asawa na, sa Singalong, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Matigas na ang bangkay nang matagpuan ang biktimang si Hermie Sentido, ng 2412 G. Del Pilar St., Singalong, Maynila.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima. Isang malong na itinali sa hawakan ng cabinet ang siyang ginamit nito sa pagpapakamatay.
Nakuha ng imbestigador sa tabi ng biktima ang cellphone na naglalaman ng text message na ipinadala sa boyfriend nitong si “Josh” na nagsa saad na “Maraming salamat, alam kong katangahan kung gagawin ko, hindi ko kaya ang ginawa mo sa akin. Salamat, nakaready na ako, isang sipa ko lang dito sa upuan mabibigti na ako. Ilang minuto na lang patay na ako. Salamat, kita na lang tayo sa impiyerno.“
Sinabi ni Ocampo na nag-usap ang dalawa (biktima at si Josh) hinggil sa pagkalas sa relasyon ng lalaki upang ayusin na ang relasyon sa kanyang tunay na asawa.Subalit hindi umano ito matanggap ng babae kaya naisipang magpakamatay. (Ludy Bermudo)