Dayuhang sasali sa rali, ipade-deport ng BI
Nagbabala kahapon ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan na lumahok sa kilos-protesta laban sa gobyerno na maaari silang ipatapon palabas ng bansa dahil sa paglabag sa immigration law.
Ito ang muling iginiit kahapon ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan, matapos na makita ng mga awtoridad ang mga dayuhang aktibista na miyembro ng mga militanteng grupo na lumahok sa rally para sa global forum on migration development sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kamakalawa.
Maaari umanong hindi alam ng mga dayuhan na pwede kaagad silang ipatapon pabalik ng kanilang bansa kapag patuloy silang lumahok sa mga kilos-protesta. Nagbabala rin si Libanan sa mga dayuhan na huwag abusuhin ang pagiging “hospitable” ng mga Pinoy at ang kanilang mga pribilehiyo sa bansa.
Sa sandali umanong dumating ang isang turista sa bansa at lumahok sa anumang uri ng demonstrasyon ay malinaw na paglabag sa kondisyon sa pananatili nila dito sa bansa bilang mga temporary visitors.
Nakuhanan din ng mga television stations at nakapanayam ang mga dayuhang lumahok sa kilos-protesta laban sa forum on migration kung saan lumahok dito ang may ilang libong foreign labor ministers at iba pang dignitaries mula sa 151 na bansa. (Gemma Amargo-Garcia at Ellen Fernando)
- Latest
- Trending