Big-time rollback, giit ipatupad
Bunga ng malaking pagbagsak ng presyo ng langis sa world market, iginiit kahapon ng Department of Energy (DOE) na dapat magkaroon ng “big-time rollback” sa mga produktong petrolyo ngayong Disyembre.
Gayunman, tumanggi naman si Energy Undersecretary Zenaida Monsada na magbigay ng figure kung magkano ang posibleng rollback na hinihingi ng ahensiya. Pero giit nito na dapat mahigit ito sa P1 kada-litro at kailangan umanong maramdaman sa local market ang pagbagsak ng presyo ng langis sa international market.
“Wala silang (oil companies) commitment sa amin pero ’yan ang nakita naming commitment. Dapat ma-reflect sa lokal ang presyo sa international. Panahon na para mas malaki ang asahan natin,” pahayag ni Monsada.
Inamin naman ni Monsada na mahirap magbigay ng estimate kung magkano ang rollback dahil sa “deregulated” o hindi kontrolado ng pamahalaan ang oil industry. Matatandaang kamakalawa ay pumalo sa panibagong record low ang halaga ng langis sa world market.
Ang Brent crude ay umaabot na lamang sa $59 kada-bariles kung saan nitong nakaraang Hulyo naman ay unang umabot sa $147 ang presyo ng langis.
- Latest
- Trending