Naningil ng utang, tinarakan
Saksak ng punyal ang nakuhang bayad ng isang 53-anyos na mister sa kanyang kapitbahay na sinisingil nito sa pagkakautang, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Muntinlupa Medical Center ang biktimang si Selvino Malate ng Pulong Silangan, Poblacion ng nasabing lungsod dahil sa malalim na saksak sa dibdib nito na tumagos sa kanyang puso.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na si Rudy Florante, kapitbahay ng biktima na agad na tumakas matapos ang ginawang krimen.
Base sa imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Tamondong ng Station Investigation and Detective Management Section (IDMS), dakong alas-8 ng gabi nang mangyari ang insidente makaraang matiyempuhan ng biktima ang suspect sa naturang lugar kung kaya’t agad na siningil ng una ang huli sa utang na P3,000 na hindi umano nababayaran nito sa mahigit na tatlong buwan.
Imbes na pera naman ang ilabas ay isang patalim ang ipinambayad ng suspect sa biktima na agad niyang tinarakan sa dibdib hanggang sa masawi. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending