Bagama’t may direktiba si Manila Police District Director Chief Supt. Roberto Rosales na magbawas ng pulis sa mga field of operations nito kabilang na sa Manila City Hall, patuloy pa rin ang pagkakaroon ng tambak na pulis na bodyguards at escorts ng isang opisyal ng Manila City Hall.
Lumilitaw na nakatanggap ng direktiba noong unang linggo ng Oktubre ang Manila City Hall- District Special Project Unit na naglalayong bawasan ang pulis na nakatalaga sa iba’t ibang field of operations nito bilang bahagi ng pagtitipid ng kapulisan.
Ngunit batay sa isang impormasyon at pagsisiyasat, lumilitaw na ang tanggapan ng Office of the Deputy Mayor ang siyang nagtataglay ng sobrang dami ng bodyguards o escort na umaabot sa anim katao kabilang na ang mobile police car na laging kabuntot nito.
Batay sa talaan ng Manila City Hall Internal Security and Reaction Unit, tila dinaig pa umano ni Deputy Mayor Joey Silva si Manila Mayor Alfredo Lim sa pagkakaroon ng security na mayroon lamang dalawang visible na escorts, gayundin si Manila Vice Mayor Isko Moreno na mayroong lamang dalawa.
Napag-alaman na si Silva ay merong tatlong close-in security bukod pa sa mobile patrol car na may body number na 315. Lulan din ng nasabing patrol car ang tatlo pang pulis na nagsisilbi rin bilang seguridad ni Silva.
Posible aniyang personal na ni-request ni Silva ang mobile patrol car at ang mga patrol police na lulan nito.
Kadalasan umanong pinapayagan ang ganitong sitwasyon kung may pagbabanta sa buhay ng isang opisyal ng pamahalaan tulad ng nangyaring bigong pagpatay kay Secretary to the Mayor Rafaelito Garayblas. (Doris Franche)