Bride-to-be kinaladkad nang 500 metro, dedo
Kalunus-lunos na kamatayan ang natamo ng isang babae nang makaladkad nang may 500 metro ng isang rumaragasang kotse na unang nakabunggo sa sinasakyang motorsiklo ng biktima at ng nobyo nito kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Agad na nasawi ang biktimang si Karen Cañete, nasa legal na edad, habang ginagamot naman sa pagamutan ang kasintahan nitong inisyal na nakilalang si Kim de Leon.
Naganap ang aksidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa panulukan ng Tomas Morato Avenue sa Barangay Kamuning ng naturang lungsod.
Nakasakay sa isang motorsiklo ang magkasintahan nang banggain sila ng isang itim na Ford Focus. Ayon sa mga saksi, kapwa tumilapon mula sa motor ang dalawa ngunit mas minalas na sumabit ang damit ni Cañete sa kotse sanhi upang mapailalim at makaladkad ito ng may 500 metro.
Sa halip na huminto, nagpatuloy sa pagtakbo ang nakabanggang kotse hanggang sa tuluyang makatakas. Kasalukuyan ngayong nangangalap ng impormasyon ang mga imbestigador upang mabatid ang plaka ng naturang sasakyan para makilala ang may-ari nito.
Ayon pa sa imbestigasyon, nakatakda na sanang magpakasal ang magkasintahan sa susunod na taon ngunit hindi na matutuloy dahil sa trahedyang naganap. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending