“Mabuti pang mamatay na lamang,” ito ang mga katagang namutawi sa isang mister bago ito nagpakamatay matapos na magbigti. Sinasabing dahil sa matinding karamdaman kaya ito nagpakamatay kahapon ng umaga sa Caloocan City. Nakilala ang nasawi na si Edgardo Buluran, 47, ng Martinez St., ng lungsod. Natagpuan itong patay at nakabitin sa silong ng kanilang bahay. Sa pahayag ni Evangeline Manalang, 28, ng nasabing lugar, papunta siya sa banyo nang madaanan niya ang biktima na nakabigti ng nylon strap. Nabatid na kamakalawa ng gabi ay humingi ng pera ang biktima upang ipambili ng gamot sa sakit nitong tuberculosis sa kanyang anak na babae subalit natanggal sa trabaho ang huli kung kaya wala itong ibinigay. Dahil dito, bago naganap ang insidente, nasabi pa aniya ng biktima na mabuti pang mamatay na lamang siya kaysa pahirapan ng sakit hanggang sa makita na nga itong wala nang buhay. (Lordeth Bonilla)