Isa na namang sorpresang inspeksiyon ang isinagawa ng mga awtoridad sa Quezon City jail kung saan muling nakasamsam ng mga panaksak at iba pang kontrabando, kahapon ng umaga.
Sinasabing ilang piraso ng mga appliances tulad ng television, DVD, radio, at iba’t ibang uri ng panaksak at kahit malaking halaga ng pera ang natagpuan sa isinagawang labing-limang minutong inspeksiyon sa mga selda ng QCH inmates. Ang isinagawang sorpresang inspeksiyon na pinangunahan ni Metro Manila jail head Chief Supt. Serafin Barretto Jr, ay pangalawa na simula noong Oktubre 12, nang magsagawa ng inspeksiyon dito ang bagong Quezon City jail warden na si Supt. Emilio Culang Jr.
Ang naunang inspeksiyon ay nasamsam ang mahigit sa 200 sachets ng marijuana at methamphetamine hydrochloride o shabu at mga deadly weapons. Kapwa isinisi nina Barretto at Culang sa pakikipagsabwatan o simpatiya ng ilang tiwaling ka wani ng QCJ na sinasabing maluwag sa mga preso ang dahilan ng patuloy na pagkakaroon ng mga kontrabando sa mga selda dito. (Angie dela Cruz)