Lisensiya ng mga kaskaserong drivers pinakakansela
Inatasan ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Leandro Mendoza si Land Transportation Office (LTO) Chief Alberto Suansing na kanselahin ang lisensiya ng mga driver na sangkot sa naganap na aksidente sa Edsa kung saan isang doktor ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan.
Kasabay nito, agad nagsagawa ng inspection kahapon ng madaling-araw ang LTO traffic enforcers na pinamunuan mismo ni Suansing at tinikitan at hinuli ang may 40 mga sasakyan sa Edsa dahil sa over-speeding at iba pang paglabag sa batas trapiko.
Binanggit ni Suansing na base sa mga inisyal na imbestigasyon, naging pabaya ang mga sangkot na driver partikular na ng Joanna Bus dahil sa pagiging kaskasero at pagkakakarera ng mga ito na naging sanhi ng madugong aksidente.
“Ang driver na nakapatay dahil sa pagiging kaskasero at kapabayaan sa pagmamaneho ay habambuhay nang hindi makakakuha ng lisensiya. Sa mga hindi pa nakakaalam, ang lisensya sa pagmamaneho ay pribelihiyo na binibigay ng gobyerno. ’Di karapatan ang magkakaroon ng lisensya kapag na-revoke na ito,” pahayag ni Suansing. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending