Binurdahan ng saksak ang katawan ng isang babae na nakahandusay sa paanan ng tulay, sa Intramuros, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang hindi nakilalang biktima na nasa gulang na 32-37, may taas na 5’2’’-5’3’’, mahaba ang buhok, nakasuot ng puting sando na may disenyo ng bulaklak at dark blue na short pants. Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang matagpuan ang biktima sa paanan ng Jones bridge sa Muelle Del Rio St., Intramuros, Maynila.
Sinabi ni Efren Bobis, barangay tanod ng Bgy 656 Zone 69, isang di nagpakilalang taxi driver ang nagturo sa kanya hinggil sa nadaanang nakabulagtang bangkay ng babae kaya niya ito ipinagbigay-alam sa pulisya.
Nabatid na matinding tama ang inabot sa dibdib at likod ng biktima na ikinasawi nito. Posibleng may atraso o hinoldap ang biktima sa nasabing lugar. (Ludy Bermudo)