P1 rollback sa presyo ng petrolyo
Muling nagpairal ng P1 rollback kada litro sa presyo ng kanilang produktong petrolyo ang mga oil companies kabilang ang tinaguriang “Big 3” simula kahapon ng madaling-araw.
Ganap na alas-12:01 ng madaling-araw ng magkakasabay na magbawas ng presyo ng diesel, gasoline at kerosene ang Pilipinas Shell Petroleum Corp., Petron Phils., at Chevron (dating Caltex). Sumunod namang nagrollback ng kaparehas ding presyo ang Eastern Petroleum, SeaOil, Total Philippines Eastern petroleum at PTT dakong alas-6 ng umaga.
Ang nasabing mga kompanya ay nagbawas ng presyo sa produktong diesel, gasoline at kerosene maliban sa SeaOil na hindi nagbawas sa kanilang produktong diesel. Ikinatuwiran ng SeaOil na mababa pa rin ang kanilang presyo ng diesel dahil sa ipinairal nilang P2 rollback kamakailan lamang.
Ang patuloy na pagbaba ng presyo ng krudo sa world market ang itinuturong dahilan ng patuloy na pagtapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas.
Nabatid na pumapalo na lamang sa $67 hanggang $70 kada bariles ng crude oil sa world market kung saan ay halos kalahati na ang ibinaba simula ng lumobo ito sa $147 kada bariles noong buwan ng Hulyo. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending