Milyong halaga ng salapi ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek makaraang karnapin ang isang “armored van” na magde-deliber sana ng naturang salapi sa isang bangko sa harapan ng isang kilalang mall sa Quezon City kahapon.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang pagtangay sa armored van na may plakang UFF-368 dakong alas-11:15 ng tanghali sa tapat ng isang mall sa Greater Lagro, Fairview ng naturang lungsod.
Nabatid na unang nag-pick-up ng pera ang sakay ng naturang van na sina Zaldy Barvaran, driver; at escort nitong si Leopoldo Dailosan Jr. sa isang sangay ng Bank of Philippine Islands (BPI) sa isang lugar sa Brgy. Fairview. May kukunin pa rin naman ang mga ito na pera sa isang sangay ng BPI sa loob ng mall at sa tapat nito ipinarada nila ang sasakyan at saka kapwa umalis.
Ayon sa dalawa, wala na ang van nang kanilang balikan. Inamin naman ni Barvaran na naiwan niya ang susi ng van na nakasuksok pa sa ignition ng sasakyan kaya madaling natangay ito ng mga salarin. Ayon sa mga saksi, apat na lalaki na nakasuot ng uniporme ng security guards at armado ng matataas na kalibre ng baril ang nagpaandar sa naturang van.
Nabatid rin sa inisyal na imbestigasyon na natangay ng mga suspek ang tatlong bag na naglalaman ng iba’t ibang denominasyon cash bills, apat na bag ng barya at isang bag ng tseke na umaabot sa milyong halaga.
Pasado alas-12 ng tanghali naman nang madiskubre ang abandonadong armored van sa kalsada sa tapat ng Vista Verde Subd. sa Mindanao Avenue Extension, Brgy. Sta. Monica. Tanging ilang bag na naglalaman ng barya na lamang umano ang naiwan sa loob nito.
Kasalukuyang isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ang dalawang guwardiya na sakay ng van dahil sa posibilidad ng inside job bunga ng kaduda-dudang pag-iwan ng mga ito sa van na naglalaman ng malaking halaga ng salapi lalo na ang pag-iwan sa susi ng sasakyan.