Sinuspinde ni LTFRB Chairman Thompson Lantion ng may 30- araw ang prangkisa ng mga kompanya ng bus na sangkot sa madugong aksidente sa Edsa kahapon.
Iginawad ang suspensyon sa Joanna Jesh Bus , Amtrak Transit Inc. na pag-aari ni Crisencio Mahilac at Commuters Bus Corporation. Kaugnay ito sa ulat na pagkakarera sa lansangan na naging sanhi ng disgrasya na ikinamatay ng isang doktor at ikinasugat pa ng apat na katao.
Pinagpapaliwanag din ng LTFRB ang mga bus company owners kung bakit hindi maaaring kanselahin ng ahensiya ang kanilang prangkisa. Inatasan ni Lantion ang mga insurance companies ng naturang bus companies na agarang asikasuhin ang paglalaan ng benepisyo sa mga nabiktima ng aksidente.
Samantala , isasailalim naman ng LTO sa drug test, proficiency exam, gayundin sa actual drive test at written exam ang may 300 driver ng Joanna Jesh bus na nakabangga at nakapatay ng isang doktor kahapon sa Quezon City.
Sa isang panayam, sinabi ni LTO Chief Alberto Suansing, layunin ng hakbang na malaman kung may karapatan ang mga driver ng naturang kompanya ng bus na makapagmaneho ng isang pampasaherong sasakyan.
“Kung babagsak sila sa mga exams na ito, kukumpiskahin namin ang kanilang drivers license at hanggat hindi sila nakakapasa sa mga exams na yan, wala silang karapatan na magmaneho,” pahayag ni Suansing. Kaugnay nito, sinabi ni Suansing na ito ang isang dahilan kung bakit nais na niyang isama ang neuro test sa mga requirements sa pagkuha ng drivers license bukod sa drug test at medical exam. (Angie dela Cruz)