Pabor ang dalawang konsehal ng Maynila na gawin sa wikang Filipino ang mga court proceeding kaugnay na rin ng panukala ng Supreme Court at sa ginagawang decongestion program ng city government at ng Bureau of Jail Management and Penology .
Kapwa iisa ang pananaw nina 3rd District Councilor Joel Chua at 6th District Councilor Ernesto Rivera matapos na ilabas ng Korte Suprema ang kanilang panukala hinggil sa paggamit ng wikang Filipino sa korte.
Ayon kay Chua, nararapat lamang na Filipino ang gamitin sa mga pagdinig dahil mas marami ang nakakapagsalita at nakakaunawa ng Tagalog kaysa wikang English.
Ito rin ang isa sa mga paraan upang hindi magsikip ang mga kulungan hindi lamang sa Manila City Jail kundi pati na rin sa buong bansa. Aniya, mas naiintindihan ng akusado ang kasong kanyang kinasasangkutan kung ito ay inilalahad sa korte sa Filipino.
Iginiit ni Chua na karamihan naman sa mga nasisintensiyahan ay mga walang pinag-aralan at hindi naiintindihan ang court proceeding. Aniya, malaking tulong ang panukala ng SC kung sisimulan nang sanayin ang mga huwes, abogado at piskal sa pagsasalita ng Filipino.
Idinagdag naman ni Rivera bagama’t maganda ang programa, dadaan pa ito sa mahabang proseso at usapin. (Doris Franche)