Mag-asawa todas, anak at apo sugatan
Isang mag-asawa ang nasawi, habang sugatan ang anak at apo ng mga ito nang mapag-tripang pagbabarilin ng kanilang kalugar sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan sina Antonio Gaspar, 50; misis na si Clarinda, 40, habang ginagamot naman sa Jose Rodriguez Hospital ang kanilang anak na si Angel Joe, 26; at apong si Jonathan, 4, pawang mga residente ng Recom Ville, Bagumbong ng lungsod na ito.
Pinaghahanap naman ang suspek na si Rogelio Ronquillo, 55, taga-Progressive Ville, Bagumbong.
Ayon sa report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa tapat ng bahay ng mga biktima habang ginagawa ni Antonio ang kanilang bisikleta nang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.
Nang makita ito ni Clarinda ay lumapit ito upang magmakaawa subalit pinagbabaril din ito ng suspek hanggang sa tamaan ng ligaw na bala sina Angel Joe at Jonathan.
Hindi pa matiyak ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril, gayunman may ulat na mahilig umanong mamaril ang naturang suspect ng kanyang napagti-tripan.
- Latest
- Trending