'Takatak boy' kinatay ng kapwa vendor
Patay ang isang cigarette vendor makaraang saksakin ito ng dalawang beses ng kanyang kasama habang natutulog sa isang pampasaherong dyip kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong dalawang sak sak sa dibdib ang biktimang si Ricky Bustado, at residente ng Semenario, Padilla Antipolo City.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ang suspek na si Ronald Bargus, nakatira sa Rosas st. Brgy. Nangka ng nasabing lungsod.
Sa ulat, naganap ang krimen dakong ala-1:10 ng gabi sa loob ng isang pampasaherong dyip na nakaparada sa kahabaan ng Dela Paz St. Brgy. Sta. Elena ng lungsod na ito.
Nabatid na nagkaroon muna ng inuman ang biktima at suspek kasama ang ilang kaibigan at ng malasing na ang una ay natulog na ito sa loob ng nasabing jeep.
Lingid sa kaaalam nito ay palihim palang sumunod ang suspek na armado ng patalim at ng makitang nakahiga na ang biktima sa loob ng dyip ay agad nitong inundayan ng dalawang saksak sa dibdib bago mabilis na tumakas.
Lumalabas sa imbestigasyon, pinagbintangan umano ng suspek ang biktima na ito ang nagnakaw ng paninda nitong sigarilyo dahilan para magawa ang krimen.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya para sa agarang paglutas ng kaso. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending