Hinahanting ngayon ng pulisya ang isang 18-anyos na binata matapos nitong pagbabarilin hanggang sa mapatay ang kanyang sariling tiyuhin, habang isa pa ang sugatan, kamakalawa sa Caloocan City.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Arturo Carpio, 42, Brgy. 174, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likod ng ulo.
Sugatan naman ang isang ginang na kinilalang si Lea Ramos, 29, na tinamaan sa kanang hita at paa.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril dala ang ginamit na baril na kinilalang si David John Sioson, alyas Bong-Bong, pamangkin ng biktimang si Carpio.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong ala-1 ng hapon sa kahabaan ng Lirio St., Brgy. 174 sa tapat ng bahay ng biktima.
Nabatid na ipinaparada ng biktima ang minamanehong jeep na may plakang TXG-496 sakay si Ramos ng mula sa kanilang likuran ay biglang lumapit ang galit na galit na suspek at armado ng baril.
Dito, walang sabi-sabing pinaputukan ni Sioson ang nakatalikod na biktima kung saan dalawang bala ang tumama sa ulo nito na naging dahilan ng pagkasawi nito, habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang ginang sa kanyang hita at paa.
Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang insidente. Sinasabing matagal na umanong may alitan ang mag-tiyo na posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima. (Lordeth Bonilla)