Muli na namang sinorpresa ng mga kompanya ng langis ang motorista matapos ang panibagong P1 kada litrong rollback sa presyo ng kanilang produktong petrolyo simula kahapon ng umaga.
Dakong alas-6 ng umaga kahapon ng umpisahan ng Shell, Petron at Eastern Petroleum ang rollback sa kanilang presyo ng diesel, kerosene at gasoline na agad na sinundan ng Chevron at Total dakong alas-12 ng tanghali.
Ayon sa mga kompanya ng langis, ang panibagong pagbaba ng presyo ng kanilang produktong petrolyo ay bunsod na rin sa patuloy na pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan na ngayon ay pumapalo na lang sa $75 kada bariles.
Inaasahan naman na susunod ang iba pang kompanya ng langis sa naunang ginawang rollback ng mga nasabing kompanya ng langis.
Samantala nagbaba rin ng P1 kada kilo ang presyo ng tindang liquefied petroleum gas (LPG) ng grupong LPG dahil sa pagbaba rin ng contact price nito sa world market.
Ayon kay LPGMA President Arnel Ty, bumaba na sa $804 kada metriko tonelada ang contact price nito ngayong buwan ng Oktubre, mas mababa ng $24 kumpara sa presyo nito noong buwan ng Setyembre na umabot pa sa $828 kada metriko tonelada.
Ang grupo ni Ty ang siyang dealer ng Pinnacle, Cat, Omni, Sula, Nation at Island Gas.