P5-M alahas tangay sa trader
Umaabot sa P5 milyong halaga ng mga alahas ang natangay ng tatlong holdaper buhat sa isang babaeng negosyante na tinangayan pa ng kanyang mamahaling sasakyan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Dumulog sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) kahapon ng umaga ang biktima na si Lailani Raymundo kung saan iniulat ang panghoholdap at pagtangay sa kanyang puting Toyota Hi-Lux (XPE-246) ng tatlong armadong suspek.
Sinabi nito na binabagtas niya ang kahabaan ng Fatima Street, Congress Park Subdivision, Doña Juliana Avenue, Fairview dakong alas-10:20 ng gabi nang harangin siya ng mga suspek.
Bukod sa kotse, natangay ng mga suspek ang P5 milyong halaga ng mga alahas at salapi na dala ni Raymundo. Nabatid na nagba-buy and sell ng mga alahas ang biktima kung saan dala-dala niya ang kanyang mga stock dahil sa ipapalinis niya ang mga ito. Sinabi naman ni QCPD Anti-Carnapping Unit chief, Sr. Insp. Angelo Nicolas na narekober na nila ang naturang sasakyan matapos abandonahin ng mga suspek sa may Phase 4, Brgy. Payatas, ng naturang lungsod kung saan malinaw na panghoholdap lamang ang pakay ng mga suspek. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending