Umaasa ngayon ang pamunuan ng Quezon City Jail na mapapaluwag na ang kondisyon ng kulungan matapos ang pangako ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte ng pagtatayo ng bagong kulungan sa lungsod.
Sinabi ni QCJ warden, Supt. Emilio Culang na umaasa siya sa binitiwang pangako ng Alkalde ng pagtatayo ng bagong kulungan sa may Litex, Fairview upang mailipat dito ang umaapaw na 2,800 bilanggo ng lungsod.
Una nang ibinunyag ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief, Director Rosendo Dial Jr. na 1,000 “congested” o sobra-sobra ang bilang ng mga bilanggo sa mga kulungan sa Metro Manila.
Sa ulat na ipinadala ni Culang kay Belmonte, sinabi nito na marami sa mga bilanggo ng QCJ ay natutulog na lamang sa basketball court kapag gabi dahil sa wala nang mapuwestuhan sa kanilang mga selda.
Kapag umuulan naman at hindi magamit ang basketball court, nakaupo na lamang ang mga bilanggo at naghihintay ng karelyebo upang makatulog.
Dahil sa dami ng bilanggo, madalas umano ang away sa pagitan ng mga preso na minsan ay humahantong sa mga riot.
Hindi pa man natutuloy ang konstruksyon, pinasalamatan na ni Culang si Belmonte sa plano nitong pagtatayo ng city jail na may sariling kusina, labahan, kainan, chapel, sports area, conjugal room, visiting area, at klinika. (Danilo Garcia)