Apat katao ang nasugatan makaraang mabagsakan ng tatlong billboard na bumigay dahil sa malakas na hangin kahapon sa Quezon City.
Nakilala ang mga nasugatan na sina Allan Madredejos, 34; Gerry Alano; Mercy Alano; at Mary Joy Orosco.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insi dente dakong alas-3 ng hapon sa southbound lane ng EDSA malapit sa Santolan flyover.
Nabatid na unang bumagsak ang dalawang billboard sa tapat ng St. Jude Transit terminal. Sumunod naman ang pagbagsak ng isa pang billboard hindi kalayuan. Tinamaan ng mga billboard ang mga pasahero na naghihintay ng masasakyang bus at mga tindero sa naturang terminals.
Dahil sa insidente, nawalan ng suplay ng kuryente sa naturang lugar matapos na masira rin ang mga kable ng kuryente na nadamay sa pagbagsak ng mga billboard.
Habang isinusulat ito, patuloy pang inaalam ng pulisya ang pinsalang natamo ng mga biktima habang inaalam din ang contractor at may-ari ng nagbagsakang billboards upang mapanagot sa naturang insidente.