Umaabot sa 352 kahon na bahagi ng P630,000 hinayjack na container van na naglalaman ng bulto ng mga posporo na pag-aari ng Philippine Match Company (Phimco) ang narekober ng PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) Task Force Lim bas at Anti-Hijacking Division sa bodega ng isang supermarket sa Quezon City.
Ayon sa ulat, ang nasabing 352 kahon ng mga posporo ay kabilang sa kabuuang 450 kahon ng posporo na iniulat ni Mr. Roberto Reyes ng Phimco na na-hijack kamakailan.
Bandang alas-11:45 ng tanghali kamakalawa nang salakayin ng mga operatiba ng Task Force Limbas ang bodega #1 ng Welcome Supermarket na pag-aari ni Mr. George Cua na matatagpuan sa #13 N. Ramirez St. Brgy. Don Manuel, Quezon City.
Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Jose Paneda ng Branch 220 ng Regional Trial Court ng Quezon City.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad na sa nasabing lugar matatagpuan ang hinayjack na bultu-bulto ng mga kahon ng posporo ng Phimco.
Narekober ang 352 kahon ng posporo na nagkakahalaga ng P492,800 kung saan wala sa bodega ang may-ari ng supermarket at tanging kamag-anak saka staff nito ang sumaksi sa operasyon.
Ang nasabing mga produkto ay may mga code numbers pa ay nakasilid sa 352 karton na tumugma sa mga dokumento ng nagrereklamong si Mr. Reyes. (Joy Cantos)